8 miyembro ng Tinga drug group, huli sa Taguig

MANILA, Philippines - Natimbog ang walo pang miyembro ng notoryus na Tinga drug group sa lungsod ng Taguig sa isinagawang raid kamakalawa ng hapon. Ayon kay Taguig Police Chief Senior Supt. Arturo Felix Asis, ang operasyon na isinagawa  sa  P. Burgos St., Brgy. Sta. Ana ay nagresulta sa pagkakadakip ng walo katao na kinilalang sina Joana Tinga-Palacio, live-in partner nito na si Philip Gutierrez, Henry Tinga, Aileen Adeza, Luisito Mabilog, Aurora Rocha, Ester Minorete at Cleon Ong.

Sinabi ni Asis na si Joana Tinga ay nasa drug watch list umano ng PNP. Naaktuhan umanong nagpa-pot session” ang walong suspek sa loob ng tatlong 
palapag na apartment.

“Mahigpit nang binabantayan ang galaw ng grupong ito mula pa noong
 nakaraang taon,” sabi ni Sr. Supt. Asis.

Nasakote ang mga suspek sa operasyong isinagawa ng mga elemento ng 
Taguig Police Station Anti-Illegal Drugs (SAID) section sa pangunguna ni
 Chief Insp. Jerry Amindalan. Anim na sachet ng “shabu”  (limang
 gramo) na may halagang P15,000; tatlong sachet ng marijuana at 15 tableta ng ecstasy ang nasamsam ng mga awtoridad sa drug raid.

Sinabi ni Asis na ang naturang operasyon ay bahagi ng patuloy na all-out war ng pamahalaang lungsod laban sa droga alinsunod sa utos ni Mayor Lani Cayetano.

 

Show comments