Parak kinuyog, binugbog ng 3 senglot

MANILA, Philippines - Isang pulis ang sugatan ma­karaang pagtulungang bug­­bugin ng tatlong lasing na kalalakihan sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Si PO2 Elmo Lazatin, 45, nakatalaga sa Quezon City Police District Station 10 ay nagtamo ng sugat sa bibig at katawan matapos ang insi­dente na nangyari ganap na alas- 4 ng hapon.

Kinilala naman ang tatlong suspect na sina Emmanuel Justiniani, 28; Danilo Jimenez, 52; at John Paul Regalado, 28.

Nag-ugat ang insidente sa may Kalye 1 corner Tomas Mo­rato Avenue, Brgy. Laging Handa, ganap na alas-4 ng hapon.

 Sabi ni Pedrozo, nang oras na nabanggit ay pawang mga lasing ang mga suspect nang daanan sila ni Lazatin habang sakay ng isang patrol car.

Sabi ni Lazatin, nakita niya si Regalado na kinukunan siya ng litrato gamit ang isang cellphone. Dahil dito, nagpasya si Lazatin na lapitan si Regalado para tanungin kung bakit siya kinukunan nito ng larawan at sumagot naman ang mga huli na “trip lang” saka biglang inu­pakan ng isa sa mga suspect ang pulis at bumuwal ito sa kalye.

Habang nakahandusay sa kalye si Lazatin ay pinagsisipa at pinagsusuntok pa umano ng mga suspect habang sinasambit ang katagang “Mga gagong pulis, pulis lang kayo!”

Kahit sugatan, nagawa pang makapag-radyo ni Lazatin sa kanilang himpilan kung saan dumating ang responde at inaresto ang mga suspect.

Isang abogado ang lumutang sa himpilan ng pulisya kahapon ng umaga at nangakong ipapaayos ang nasirang mobile car at sasagutin ang medical expenses ni Lazatin.

Show comments