UST coed nag-harakiri

MANILA, Philippines - Isang babaeng estud­yante ang  nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-haharakiri o pagsaksak sa sarili sa loob ng kanyang kuwarto sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Si Claire Jennifer Rodel, 21, ay nasawi sa National Kidney Transplant Institute bunga ng isang saksak na tinamo malapit sa kanyang puso ganap na alas-11:04 ng umaga.

Ang biktima, isang physical therapy student sa University of Sto. Tomas, ay natagpuang nakahandusay sa kanyang kama sa kanilang bahay sa Brgy. Bahay Toro, Project 8 ganap na alas- 10:15 ng umaga.

Ayon kay PO2 Julius Cesar Balbuena, nag-iwan ng suicide note ang biktima na nagsasaad sa kanyang pagpapakamatay.

Natagpuan ang biktima ng nakababatang kapatid nito habang nakasuot ng damit pantulog, at duguang nakasubsob sa kama.

“Nag-aalmusal ang kapatid niya (biktima) at tatawagin na sana niya ang ate nang makita niya itong nakahandusay sa kama,” sabi ni Balbuena.

Isang duguang kutsilyo ang natagpuan malapit sa katawan ni Claire.

“Posibleng sinaksak ng isang beses ng biktima ang kanyang dibdib saka binunot ang kutsilyo, “ dagdag ni Balbuena.

Tinangka pang itakbo ng pamilya ang biktima sa ospital, pero nasawi rin habang sinusubukang isalba ng mga doktor.

Noong gabi bago ang insidente, ang biktima ay pinagalitan umano ng kanyang magulang dahil sa umano’y mababang grado at ang relasyon nito sa kanyang boyfriend.

 

Show comments