Ingay ng Malaysian embassy inireklamo

MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa ala­nganin ang embahada ng Malaysia sa Makati City makaraang ireklamo ng pa­munuan ng isang condominium building dahil sa sobrang ingay umano na nililikha ng tatlong cooling towers nito dahilan para magsialisan ang kanilang mga tenants. 

Ayon kay Ellen Paulete, manager ng Two Lafayette Square Condominium Association Inc., sa may Torde­sillas St., sa Salcedo Village, na nagpadala na sila ng liham sa katabing Malaysian Embassy noon pang Agosto ng nakaraang taon na nagsasaad ng kanilang reklamo ngunit hanggang nga­yon ay hindi pa inaak­syunan ang problema.

May ilan na umano sa kanilang mga tenants ang nag-alisan na dahil sa pagkairita habang ang iba ay hindi makatulog tuwing gabi dahil sa ingay.  

Nangangamba ang pamunuan ng condo building na bumaba ang halaga ng kanilang mga units o mas nakakatakot ay wala nang te­­nants na kumuha ng mga ito dahil sa ingay ng embahada.

Lumabas din sa pagsusuri na lumagpas sa limitasyon ang ingay na idinudulot ng naturang cooling towers na itinakda ng Makati Commercial Estate Association.

Sa panig naman ng embahada, tiniyak ng Chancery ng Malaysian Embassy na si Zakaria Nasir na gumagawa na sila ng paraan upang matuguan ang reklamo sa idinudulot na ingay ng kanilang cooling towers.

Iminungkahi na rin ng kanilang mechanical consul­tant ang pagkakabit ng ins­trumentong pipigil sa nililikhang ingay subalit kina­ kailangan pa nilang isumite ang panukala sa kanilang fo­reign mi­nistry sa Kuala Lumpur.

Humingi ng paunawa ang embahada dahil kinakaila­ngan pa rin aniyang idaan sa tamang proseso ang pag­lalagay ng mga kinakaila­ngang instrumento kaya’t hindi kaagad-agad itong matu­tu­gunan dahil dadaan pa ang pag-apruba sa nakatataas sa kanila.

Show comments