Mag-utol pumalag sa snatcher: 1 utas, 1 kritikal

MANILA, Philippines - Utas ang isang 22-anyos na bagong graduate pa lamang sa kolehiyo habang nasa kritikal pang kalagayan ang nakababatang kapatid nito matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na snatcher sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na  si  Richard Dean Del Monte, residente ng M. Natividad St.  Sta. Cruz, Maynila habang nilalapatan pa ng lunas sa ospital ang 16-anyos nitong utol na si  Rycoft Del Monte.

Si Richard ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa dibdib at hiwa sa baba habang sa leeg naman nagtamo ng tama ng bala si Rycoft mula sa kalibre .45 pistola.

Inilarawan ang mga suspect na kapwa  armado ng .45 kalibre ng baril, kapwa nakasuot ng  bullcap, naka­suot ng jacket na itim at short pants sakay ng itim na Yamaha Mio na walang plaka.

Sa ulat  ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 5:40 ng umaga nang maganap ang insidente  sa panulukan ng Oroquieta  at E. Remegio Sts., Sta. Cruz, Maynila malapit sa bahay ng mga biktima.

Naglalaro umano sa laptop si Richard at PSP naman si Rycoft habang nasa bangketa kasama ang mga kaibigan nang huminto ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at sapilitang inagaw ang kanilang laptop,  PSP at cellphone.

Nakipag-agawan pa si Richard hanggang sa masugatan sa baba at nagtangkang tulungan ni Rycoft su­balit pinaulanan sila ng bala ng baril ng mga suspect.

Nang kapwa tumumba ang magkapatid ay pinaharurot na ng mga  suspect ang motorsiklo tangay ang mga gadget na nabanggit.

 

Show comments