12-anyos, nakapuga sa kidnaper

MANILA, Philippines - Nakatakas ang isang 12-anyos na estudyanteng biktima ng kidnap kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ayon kay  Chief Inspector Crisencio Galvez ng  Caloocan City police, ang biktima na itinago ang pagkakakilanlan ay nagawang dukutin ng isang lalaking nagpanggap na kanyang ama sa pamamagitan ng pag-text dito at inutusang lumabas ng kanilang bahay sa East Grace Park dakong ala-1 ng madaling-araw.

Makaraang lumabas ng bahay ang biktima ay biglang sumulpot mula sa dilim ang suspect at puwersahang  dinala ang una lulan ng motorsiklong walang plaka.  Ilang minuto matapos ang pagdukot ay agad umanong nag-demand ng ransom ang suspect sa halagang P.5-M

Habang nagsasagawa ng pakikipag-usap ay nagawa naman ng biktima na makatakas sa kanyang abductor.

Patuloy pa rin ang isinasagawang operation at im­bestigasyon ng pulisya para makilala ang suspect na mabilis na tumakas matapos na makawala ang biniktima.

Show comments