Krimen sa Metro Manila bumaba
MANILA, Philippines - Sa kabila ng ilang high profile crime sa serye ng nakawan sa Metro Manila, inanunsyo kahapon ng Philippine National Police (PNP) na bumaba sa pangkalahatan ang mga kriminalidad sa National Capital Region (NCR).
Base sa tala ng PNP Operations, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. na 59.68% ang ibinaba ng kriminalidad sa Metro Manila sa Enero ng taong ito kumpara noong Enero 2012.
“Wala pong crime wave in the country particularly in Metro Manila based on monthly comparison in January 2012 and January 2013 this year,†ani Cerbo.
Ginawa ni Cerbo ang pahayag sa gitna na rin ng naganap na robbery sa jewelry store sa isang mall sa Mandaluyong City noong Enero 26 na nasundan ng panloloob sa Western Union sa Parañaque City na natangayan ng P60,000 noong Enero 28.
Samantala, isa ring Filipino-Chinese trader na si Kelvin Tan ang pinagbabaril sa San Juan City matapos na mag-withdraw ng P800,000 sa banko at ang pag-atake ng donut gang na nakabarilan ng mga security guard sa Robinson’s Magnolia sa New Manila, Quezon City; pawang nitong huling bahagi ng Enero ng taong ito.
Ayon kay Cerbo, noong Enero 2012 ay umaabot sa 3,021 ang naitalang mga kaso ng index crime sa Metro Manila na kinabibilangan ng murder, homicide, robbery, rape, carnapping at iba pa. Samantala, nitong Enero 2013, partikular na sa pagpasok ng gun ban nitong Enero 13 ay nasa 1,218 ang nairekord na index crimes sa Metro Manila na higit na malaki ang ibinaba kumpara noong nagdaang taon.
- Latest