Paslit tupok sa sunog sa Muntinlupa

MANILA, Philippines - Isang 3-taong gulang na batang babae ang nasawi habang tatlo pa ang na­sugatan makaraang sumiklab ang sunog sa Muntinlupa City kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawing biktima na si Shandara Araos, ng West Kabulusan A, West Service Road, Brgy. Cupang.  Isinugod na man sa Ospital ng Muntinlupa ang tatlo pang sugatan na sina Riza Com­pania, Rodrigo Sua at Michael Arcel, pawang nagtamo ng paso sa katawan.

Sa ulat ng Muntinlupa Fire Department, dakong alas-2:42 kamakalawa ng hapon nang unang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Alvin Araos sa naturang lugar.

Ayon kay Araos, ama ng nasawing bata, bigla na lamang nagliyab ang kisame ng ikalawang palapag ng kanilang bahay at mabilis na kumalat sa buong kabahayan. Hindi na umano niya nailigtas ang anak na natutulog sa ikalawang palapag dahil sa bigla­ang paglaki ng apoy.

Mabilis din namang ni­lamon ng apoy ang may 50 pang bahay sa lugar na pawang yari lamang sa light materials.

Agad namang rumes­ponde ang mga bumbero kung saan naideklarang fire-out ang insidente dakong alas-4:10 ng hapon at umabot sa unang alarma.

Narekober naman ang suno g na sunog na bangkay ng paslit na si Shandara nang magsagawa ng mopping operation ang mga bumbero.

Tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naturang sunog na pansamantalang sumilong sa covered court ng barangay na ginawang evacuation area.

Patuloy ang imbestigas­yon ng pulisya sa sanhi ng apoy habang nanawagan ang mga apektadong pamilya ng tulong buhat sa lokal at nasyunal na pamahalaan para maitayo muli ang kanilang mga bahay.

Show comments