Teenager nakipagbarilan sa pulis, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Sugatan at arestado ang dalawang lalaki na kabilang sa isang grupo ng kabataan na nakipagbarilan sa mga pulis na rumesponde sa sumbong ng mga residente ng Ma­labon City ukol sa paghahasik ng kaguluhan ng mga ito kamakalawa ng madaling araw.

Nakilala ang mga dinakip na sina Michael Galla, 23, ng no. 243 Sitio 6 Bgy. Catmon, Malabon at Manny Manzano, 19, ng Bagong Silang, Navotas City. Kapwa isinugod ang dalawa sa Tondo General Hospital dahil sa pagtatamo ng tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang makatanggap sila ng sumbong buhat sa mga residente ng Dulong Bronze St., Bgy. Tugatog, ukol sa presensya ng gru­po ng mga armadong lalaki na naghahasik ng gulo sa kanilang lugar.

Agad na rumesponde ang mga elemento ng Tu­gatog Police Community Precinct (PCP) sa pangunguna ni SPO1 Jerome Peralta at mga barangay tanod ngunit pagdating sa lugar ay agad umano silang sinalubong ng putok ng baril ng grupo ng mga lalaki.

Napilitan umanong gu­manti ng putok si Pe­ralta at tinamaan sina Galla at Manzano habang nagkanya-kanyang takbo ang mga kasamahan nito.  

Nakumpiska sa lugar ang dalawang “impro­vised shotgun” o sum­pak at isang basyo ng bala nito. Nahaharap naman ngayon sa kasong attempted homicide at pag­labag sa Comelec Gun Ban ang dalawang nadakip na suspect habang kinikilala ang mga kasamahan ng mga ito.

 

Show comments