Inabandona ng driver sa bangketa: Lolo inatake sa jeep, patay

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lolo ang nasawi makaraang i-abandona ng driver ng pampasaherong jeepney sa isang lugar matapos na mawalan ng malay dahil sa pag-atake ng hindi malamang sakit sa lungsod Quezon, kahapon.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang senior citizen ID na si Silverio Benigno ng  San Isidro Megarao, Camarines Sur.

Sa ulat ng pulisya, alas-5 ng umaga nang mangyari ang insidente sa may harap ng ABE Computer School na matatagpuan sa Aurora Blvd., Bgy. Soccoro, Cubao.

Lumilitaw na sakay ang biktima ng isang pampasaherong jeepney patungong Parang Marikina nang umano’y atakihin ito at mawalan ng malay.

Sa halip na dalhin sa ospital ang biktima, ibinaba lamang ng driver ang una sa  kanyang sasakyan saka iniwan sa bangketa.

Sinasabing ang insidente ay agad na ipinagbigay alam ng ilang saksi sa CIDU na agad namang rumesponde sa akalang patay na ito. 

Pero pagsapit ng awtoridad sa lugar ay humihinga pa ang biktima kung kaya isi­nugod nila ito sa Quirino Memorial Medical Center pero idineklara din itong patay.

Sa kasalukuyan, hindi mabatid ng awtoridad ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil wala namang nakitang external injuries sa katawan nito habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng driver na nag-abandona sa biktima.

 

Show comments