Bus drivers sumasailalim na sa monitoring ng MMDA

MANILA, Philippines - Inumpisahan na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-monitor sa mga bus drivers na bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan sa pamamagitan ng pinahigpit na “Bus Management and Dispatch System (BMDS)”.

Sa pamamagitan ng nilikhang  PUB Driver’s Databank, matutukoy ng ahensya ang partikular na mga driver na bibiyahe kada araw at ang dala nilang uri ng bus. Kapag nasangkot sa aksidente, tukoy agad ng MMDA kung sino ang driver para hindi na makatago sa batas.

Nakapaloob sa database ang pangalan ng lahat ng driver ng mga bus companies, at maging rekord ng kanilang traffic violations na hindi nababayaran.

Inumpisahan kahapon ang “pilot testing” sa bus dispatch terminal sa Fairview, Quezon City.  Gumamit ang ahensya ng “biometrics o finger scanning” upang makilala ang mga driver.

Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na sa pamamagitan nito, alam ng mga tsuper na minomonitor sila ng ahensya at agad na matutukoy kaya magdada­lawang-isip ang mga ito na lumabag sa batas trapiko o makipagkarera.  Dahil dito, mas may tsansa na maging ligtas ang buhay ng mga pasahero na bumibiyahe sa EDSA, Commonwealth Avenue at iba pang kalsada.

May kabuuang 3,471 city bus buhat sa 105 kumpanya ang nakarehistro sa driver’s database na nakakonekta rin sa Land Transportation Office (LTO), LTFRB, at National Bureau of Investigation. Tanging mga driver na hindi hihigit sa 3 naka-pending na bayolasyon ang papayagang makabiyahe hanggang hindi nababayaran ito.

 

Show comments