Trader itinumba

MANILA, Philippines - Dalawang tama ng bala sa mukha ang ikinasawi ng isang 39-anyos na negosyante nang malapitang barilin ng hindi nakikilalang lalaki  sa harap  ng kanyang tindahan sa Malate, Maynila,  kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Franco Lucero Banoc, tubong-Baybay, Leyte at residente ng Agoncillo St., Malate.

Nakatakas naman ang gun­man mula sa mga huma­habol na taumbayan at naiwan nito ang isang itim  na bag na naglalaman ng ginamit na ka­libre .45 pistola,  sando  at mga iba’t ibang klaseng gamot. Inilarawan siya sa edad 30-35, may taas na 5’9’’ hanggang 5’10’’, maputi.

Sa ulat ni PO3 Crispin Ocampo, dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng bahay ng biktima. Sinamantala umano ng suspect ang pagi­ging abala sa pagtitinda ng biktima at biglang nilapitan at walang sabi-sabing pinaputukan sa mukha. Nang humandusay ay nagtatakbo na ang suspect subalit nakita siya ng mga tambay na humabol sa kanya.

Nagawa pang magpaputok ng suspect upang hindi mala­pi­tan ng mga humahabol su­balit hindi natinag ang mga huma­habol kaya inihagis na lamang umano ng salarin ang dalang bag at tuluyang nakatakas. Patuloy pa ang isinasagawang  imbestigasyon ng pulisya para mabatid ang motibo sa naga­nap na krimen.

 

Show comments