MANILA, Philippines - Utas ang dalawang miyembro ng ‘Agaw taxi gang’ matapos makipagbarilan sa mga pulis matapos maaktuhang inaagaw ang isang taxi mula sa driver nito sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang hindi pa nakikilalang mga suspek na inilarawan lamang ang isa na tinatayang nasa 25-30 anyos, 5’5†ang taas, nakasuot ng kulay itim na sweat shirt at maong pants, habang ang isa ay nakasuot naman ng kulay pulang t-shirt at maong pants, may taas na 5’5’’ talampakan.
Batay sa ulat ni PO2 Jaime Samson, may hawak ng kaso nangyari ang insidente pasado alas-3:30 ng madaling-araw kahapon sa kahabaan ng Commonwealth sa harap ng SSS Subdivision sa Brgy. North Fairview, Quezon City.
Nabatid na nagpapatrulya sina SPO3 Wahab Magundacan at tatlo pang kasamahan lulan ng mobile QC-189 nang masabat nila ang mga suspek sa loob ng isang kulay puting Toyota Vios taxi (UWA-146 ) matapos holdapin ang driver nitong si Pedro Mina, 34, ng Old Cabuyao, Brgy. Sauyo, Novaliches.
Tinangka umanong sitahin ng mga pulis ang mga suspek ngunit bigla umano silang pinutukan kung kaya napilitang gumanti ang mga pulis hanggang sa mapatay ang mga ito.
Ayon sa mga pulis, sasakyan umano ang pakay ng mga suspek sa kanilang mga bibiktimahin.