OFW at bayaw tiklo sa kidnap

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Inves­tigation (NBI) ang isang babaeng Overseas Filipino Worker­ (OFW) at bayaw nito dahil umano sa pagdukot  sa 5-anyos na batang babae na anak ng boyfriend ng una sa Valenzuela City, iniulat ka­hapon.

Nakapiit sa detention cell ng NBI ang suspect  na si Myra Suba-Magalang, 28, kadara­ting lamang na caregiver mula  sa United Arab Emirates (UAE) at bayaw nitong si Angelito Cedeno-Magalang, kapwa  residente ng  Bible St., Simeon Doon compound, Karuhatan, Valenzuela City, kaugnay sa reklamo  ni Kerwin Escanilla.

Sa imbestigasyon ng NBI, naging mag-nobyo sina Myra at Kerwin sa pamamagitan ng Facebook at nitong nakalipas na Enero 10, 2013 ay umuwi si Myra mula sa UAE.

Nang sumunod na araw ay nagkita ang dalawa at sa sumunod na pagkikita nitong Enero 13 ay ipinakilala ni Kerwin kay Myra ang dalawa nitong anak at kanyang mga magulang.

Inimbitahan naman ni Myra ang 5-anyos na batang anak ni Kerwin na matulog sa kanilang bahay na pinayagan naman ng huli. Kinabukasan ay nag-away sina Kerwin at Myra nang sitahin ng una ang huli hinggil sa dati nitong boyfriend kaya pinapauwi na ito ang kanyang anak.

Tumanggi naman si Myra at nagbanta na papauwiin lamang nito ang anak ni Kerwin kung magbabayad siya ng halagang P3,000 na kanyang ginastos sa pagpapakain ng kanyang anak.

Nagkasundo ang dalawa na magkikita sa palengke sa Karuhatan, Valenzuela, City subalit lingid sa kaalaman ng babae ay humingi ito ng tulong sa NBI.

Dumating si Myra sa nasabing lugar sakay ng tricycle na minaneho ng kanyang bayaw at sa  puntong iniaabot ni Kerwin ang pera kay Myra kapalit ng kanyang anak na babae ay inaresto ang huli.

Show comments