MANILA, Philippines - Nagkahiwa-hiwalay ang parte ng katawan ng isang machine operator habang nasa kriÂtikal naman na kondisyon ang apat pang kasamahan nito matapos ang isang pagsabog na naganap sa pabrika ng gulong sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Bonbong Danding, 36, residente ng nabanggit na lugar.
Mabilis namang isinugod sa Valenzuela General Hospital ang mga sugatan na sina Segundo Enriquito, 34; Nedie Espinueva, 25; Reynaldo Espinosa, 32, at isang hindi pa nakikilalang biktima.
Ang mga biktima ay pawang mga manggagawa ng Pilipinas Tire Rubber Corporation na matatagpuan sa Colon Industrial Subdivision, Tatalon St., Brgy. Ugong ng naturang lungsod.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Jonathan Bolinao, ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga sa nabanggit na pabrika.
Nabatid na naka-duty si Danding at ang iba pang biktima kung saan ay biglang sumabog ang isang makina na ayon sa mga awtoridad ay posibleng maluwag ang pagkaka-lock ng takip nito, kung kaya’t nag-over pressure na naging sanhi ng pagsabog nito.
Dahil sa insidente ay nasabugan ang mga biktima, subalit ang machine operator na si Danding ang napuruhan dahilan upang tumilapon ito na ilang metro at tinamaan pa ng takip ng makina kung kaya’t nagkahiwalay ang ibang parte ng katawan nito at naputulan ng paa.
Hanggang sa ngayon ay patuloy na iniÂimbestigahan ang insidente at tinitingnan na ng pulisya kung may pananagutan at anong kaso ang maisasampa sa may-ari ng pabrika.