MANILA, Philippines - Kritikal ang kalagayan ng isang barangay chairman makaraang pagsasaksakin ng isa sa kanyang kagawad nang magtalo sa gitna ng kanilang inuman, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Nakaratay ngayon sa Intensive Care Unit (ICU) sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Dante Torres, 56, chairman ng Barangay 174 Zone 17, Malibay, sa naturang lungsod.
Sumuko naman sa Pasay Police ang suspek na si Oscar Bermejo, 54, kagawad sa naturang barangay.
Sa ulat ni PO3 Melvin Garcia, ng Criminal Investigation Division, naganap ang pananaksak dakong ala-1 kahapon ng madaling-araw sa isang inuman kung saan magkakasamang nagkakasayahan ang mga opisyal ng barangay sa kaarawan ng isang Boy Salazar.
Bigla umanong nagtalo ang kapitan na si Torres at si Bermejo hanggang sa sampalin ng biktima ang kagawad at sinabihan na huwag sisigaw.
Nagdilim naman ang paÂningin ni Bermejo na nakahablot ng patalim at inundayan ng saksak si Torres na tinamaan sa tagiliran ng katawan. Isa pang barangay kagawad na nakilala sa paÂngalang Alma ang nasugatan rin sa kamay sa ginawa nitong pag-awat.
Nakaditine ngayon si Bermejo sa Pasay City Detention Cell at nahaharap sa kasong frustrated homicide.