MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 200 kabahayan ang tinupok ng apoy sa higit na apat na oras na sunog na sumiklab sa isang residential area kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Dakong alas-6:40 ng gabi nang mag-umpisang sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Merville Access Road, Kalayaan sa naturang lungsod ng Pasay.
Agad na kumalat ang apoy sa mga karatig bahay na pawang yari sa light materials.
Nahirapan naman ang mga pamatay-sunog na apulahin ang apoy dahil sa nahirapang makapasok ang mga bumbero sa mga masisikip na eskinita.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na nagawang maapula dakong alas-10:17 ng gabi.
Masuwerte naman na walang nasawi ngunit isang Efren Mendoza na residente ng lugar ang isinugod sa pagamutan makaraang mapaso.
Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang mga bumbero sa pinagmulan ng sunog sa naturang lugar na laganap umano ang iligal na koneksyon ng kuryente.