2 anak nilason, ama nag-suicide

Isa-isang inilalabas ng funeral attendant ang bangkay ng mag-aamang De Guzman matapos lasunin ng amang si Jacinto ang kanyang dalawang anak na sina Jennifer at Jeramil. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Patay na nang ma­­tagpuan ng isang ginang ang kanyang  asawa at  kanyang da­lawang anak kahapon ng tanghali sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang mga nasawi na  sina Jacinto de Guzman, alyas Jessie­, 38, at mga anak na sina Jennifer, 16; at Jeramil de Guzman, 17, pawang residente ng #2411 Leonor Rivera­ St., Sta. Cruz.

Sa ulat ni PO3 Paul Dennis Javier, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:00 ng tanghali nitong Linggo, nang madiskubre ni Editha de Guzman na patay na ang kanyang mag-aama.

Bumubula ang bibig ng mag-amang sina Jacinto  at Jennifer, na magkatabi sa kama, dahil sa hinihinalang kemikal o silver cleaner na ininom habang si Jeramil naman ay wala ding buhay sa lapag, na may mga pasa sa katawan at may tama ng matigas na bagay sa ulo, na hinihinalang ikinasawi nito.

Si Jennifer naman umano ay may mga gasgas din sa leeg na hinihinalang sinakal pa.

Posibleng sapilitang pinainom umano ng silver­ cleaner ang dalagita bago nagpakamatay sa pama­magitan din ng pag-inom ng nasabing kemikal ang ama.

Ayon pa sa imbestigasyon, isang pinsan nina Jennifer at Jeramil na 9-taong gulang na naka­tira din sa nasabing bahay ang nakarinig ng pagmamakaawa at iyak ni Jennifer na noo’y nasa ikalawang palapag ng apartment ang mag-aama.

Sinabi naman ni  Editha na pareho silang nagtitinda ng manok sa Trabajo market sa Sampaloc ng kanyang mister subalit kahapon ay nagsabi  ito sa kanya na hindi makasasama dahil masakit ang tiyan.

Sa pag-uwi mula sa palengke ay nagulat siya nang matuklasang patay na ang kanyang mag-aama kaya lu­mabas ng bahay at nagsisigaw ng tulong sa pag-aakalang mina­saker ang kanyang pamilya.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa in­sidente at sinisilip na anggulo na ang mismong ama ang may kagagawan ng pamamaslang bago nagpatiwakal.

Nakarekober din ng mga bagay na ma­aaring magdetermina sa pinaglagyan ng silver­ cleaner.

Maari ring magsilbing testigo at batayan ng pangyayari ang batang nakarinig sa kaganapan. Isinailalim pa sa awtop­siya ang mga bangkay sa Cruz Funeral Morgue.

Show comments