Fixer sa PCSO timbog, sindikato nabunyag

MANILA, Philippines - Arestado ang isang 34-anyos na lalaking sina­sabing ‘fixer’ sa pagkuha ng financial support ng mga nangangailangang pasyente, habang nabunyag  din na may kasabwat o kumikilos naman  umano sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO),  para sa ma­bilisang pagre-release ng hospital guarantee na may katumbas na malaking ha­laga,  sa ulat ng Manila Police District General Assignment Section, kahapon.

Sa ulat ni  SPO1 James Poso, ng MPD-GAS, dinala sa MPD Headquarters ang suspect  na si Bienvenido Artano, residente ng   Quezon City ng mga tauhan ng intelligence Security ng PCSO matapos ireklamo ng isang babaeng humihingi ng tulong sa PCSO, na hindi muna pinangalanan.

Si Artano umano ang nag­prisinta na tutulong sa proseso ng mga papeles na rekisitos sa paghingi ng financial/medical support  sa PCSO  at ilalapit umano sa tauhan ng ahensiya.

Iimbestigahan din ang isang Genesis Madrid, social worker ng PCSO, na sinasa­bing nakasabwat ng suspect, dahil naga­gawan umano ng paraan nito na mailabas ang hospital guarantee na iniisyu ng PCSO na may halagang 
P100,000 sa loob lamang ng isang araw.

Ayon sa PCSO ay hanggang P75,000 lamang ang sagad na halaga na nailalabas, at umaabot pa hanggang isang linggo ang pag proseso.

Tinatakot umano  ang biktima na hindi lalabas ang pera hangga’t di naibibigay ang halagang 40 por­syento, tulad ng sa biktima na hini­ngan ng P40,000 ng suspect bilang ‘komisyon’.

Kung hindi umano magbibigay ay maaring mabalewala ang inisyung  letter of guarantee, na dahilan para hindi na matuloy ang claim.

Show comments