28 kinasuhan sa Comelec gun ban

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 28-katao ang inaresto at pormal na kinasuhan ng pulisya sa Metro Manila mula nang umpisahan ang pinaigting na kampanya laban sa baril ngayong election period.

Sa ulat ng National Capital Regional Police Office, kahapon ay umabot na ng 19-baril ang nakum­piska, isang granada at 10-iba pang mga mapanganib na armas mula nang iimplementa ang Comelec gun ban noong Enero 13.

Base sa tala, 2-baril at 3-armas ang nakumpiska kahapon sa Northern­ Police District; 2-baril naman sa Eastern Police; isa lamang sa Maynila, anim na baril, granada at 5 pang ibang armas sa Southern Police, at 8-baril, at 2 armas sa Quezon City.

Kabilang sa 28 kataong naaresto ay ang dalawang hinihinalang gun-for-hire na naaresto sa Pasay City at isang Tsino na nagpapasok ng baril sa casino sa naturang lungsod kung saan pormal namang kinasuhan.

Kasabay din ng gun ban ang liquor ban subalit wala pang ipina­dadalang ulat ang limang police district sa NCRPO kaugnay ng dapat isasagawang panghuhuli sa mga nag-iinuman sa kalsada.

Show comments