MANILA, Philippines - Hindi lang pala mga kolorum na bus ang nagkalat sa kahabaan ng EDSA, meron din palang itinayong mga kolorum na bus stop dito.
Kahapon pinaggigiba na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga sinaÂsabing kolorum na mga bus stops sa EDSA dahil sa nakakadagdag ng kalituhan sa ipinatutupad na bus stop segregation scheme ng ahensya.
Kabilang sa mga giniba kahapon ang mga nasa Kaingin, Reliance, Ortigas-MRT station, dalawa sa Shaw Blvd. sa tapat ng Starmall, Main Avenue at Bansalangin.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, iligal ang mga kolorum na waiting sheds dahil sa itinayo ang mga ito nang walang clearance buhat sa MMDA. Itinayo umano ang mga ito sa gabi at madalian para makaiwas sa atensyon.
Pininturahan ang mga waiting sheds ng berde upang bumagay sa dating kulay ng MMDA. Ngayon, dalawang kulay ang ginagamit ng ahensya, pula at asul na siya lamang mga awtorisadong loading at unloading bays ng MMDA.
Sa ipinatutupad na bus segregation scheme, nagtalaga ang MMDA ng mga opisyal na bus stops A at B para sa mga bumibiyahe ng Alabang at BacÂlaran.