Birthday boy, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Isang binata na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ang   pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem kahapon ng  madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni PO3 Rodel Benitez ang biktima na si Jhon Paul Fernandez, 18, ng Felix de Leon St., Bambang, Tondo.

Mabilis namang nakatakas ang mga suspect na sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Ayon sa pulisya, alas-12:40 ng mada­ling-araw  nang maganap ang pamamaril sa kanto ng Bambang  at  Yakal Sts. sa  Tondo habang masayang ipinagdiriwang ng biktima ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang mga kaibigan nang biglang dumating ang  mga suspect.

Huminto ang mga suspect sa harap ng biktima at walang sabi-sabing binaril ang huli na tinamaan sa kanang bahagi ng katawan na  tumagos sa kaliwang bahagi ng leeg.

Nang makitang  bumagsak ang biktima,  sinamantala naman ng mga suspect na tumakas.

Inaalam naman ng pulisya ang  motibo ng pamamaslang.

 

Show comments