MANILA, Philippines - Nagawang ipakulong ng isang ina ang kanyang sariling anak matapos siyang suntukin nito nang mabigong bigyan ito ng pera at pagbantaan pang papatayin ang kanilang buong pamilya sa pamamagitan ng paghahagis ng granada sa kanilang tahanan sa Pasig City, kamakalawa ng gabi. Nahaharap na sa kasong physical injuries at threat ang suspek na si Aldrin Yamson, 43, walang hanapbuhay, matapos na ireklamo ng kanyang inang si Aling Ester, 66. Batay sa reklamo ni Aling Ester sa Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Malinao, Pasig City. Ayon kay Aling Ester, dumating umano ang anak at humiÂhingi sa kanya ng pera at nang hindi niya ito mabigyan ay kaagad umano siya nitong sinuntok sa leeg. Hindi pa nasiyahan ay galit pa umanong nagbanta ang suspek na hahagisan ng granada ang kanilang bahay at papatayin silang lahat sanhi upang humingi na ng tulong sa Barangay Security Force (BSF) ang ginang at ipinaaresto ang sariling anak.