MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na operatiba ng Criminal InvesÂtigation and Detection Group National Capital Region (CIDG-ÂNCR) at Army intelligence ang isang pinaghiÂhinalaang notoryus na kidnapper ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Taguig City kahapon ng umaga.
Nakilala ang suspect na si Suhod Salasim, alyas Suhod.
Bandang alas-6:20 ng umaga nang masakote ng mga tauhan ng CIDG-NCR si Suhod sa isang apartment sa Tawi-Tawi Street, Maharlika Village, Taguig City.
Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang dalawang cartridge ng 40mm M203 grenade launcher at isang MK2 grenade.
Bago ito ay isinailalim sa surveillance operation ang lugar matapos na makatanggap ng tip ang intelligence operatives ng CIDG-NCR na nagtatago rito si Suhod.
Si Suhod ay sangkot sa ilang kaso ng kidnapping for ransom sa Sumisip at Lamitan, Basilan. Inaresto ang suspect sa bisa ng tatlong warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Principe ng Regional Trial Court (RTC) Branch 1 ng Isabela City, Basilan.
Ang suspect ay sangkot sa kidnapping at illegal detention sa 10 manggagawa ng Golden Harvest Plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan noong Hunyo 11, 2001 gayundin sa pagdukot ng mga guro at estudyante ng Claret High School sa Brgy. Tumahubong, Sumisip, Basilan noong Hunyo 2, 2011.