MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasugatan makaraang mawalan ng kontrol ang isang 14-wheeler truck at araruhin ang may siyam na sasakyan sa kahabaan ng E. Rodriguez Jr. Avenue sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Traffic Sector 3, ang mga sugatan ay kinilalang sina Paul Vicente Molina, 29; Melody Liwan, at isang Betchy delos Santos.
Si Molina at Liwan ay sakay ng isang Suzuki motorcycle, habang si Delos Santos ay sakay ng van nang masangkot sa aksidente dulot ng truck na minamaneho ni Ermar Baluyut, 23, residente sa Mangcatian, Porac, Pampanga.
Lumilitaw sa imbestigasyon na pangunahing nasangkot sa aksidente ang truck ni Baluyut, isang motorsiklo ng magka-angkas na sina Molina at Liwan; Toyota Vios; Suzuki APV van (PPC-443); Hyudai van (XED-166); Lancer Sedan (WSS-613); Toyota Rav wagon (XER-595); Suzuki motorcycle (8557-UM); Toyota Vios taxi (UVA-966);Toyota Corolla Altis; at Isuzu truck dropside (RCE-141).
Nangyari ang insidente sa may Libis ganap na alas-9:49 ng gabi habang binabagtas ng truck na minamaneho ni Baluyut ang nasabing lugar galing sa direksyon ng C5 flyover patungong Ortigas Avenue nang biglang salpukin nito ang Toyota Vios na minamaneho ni Joey Villareal, 34.
Dahil sa bilis ng takbo ng truck matapos na sumalpok sa Vios ay sumalpok din ito sa iba pang sangkot na sasakyan.
Kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at multiple damages to property ang kinakaharap ngayon ni Baluyut.