Bangkero sinaksak sa compound ng Senado

MANILA, Philippines - Kritikal ang isang bangkero makaraang pagtulungang saksakin at bugbugin ng magkapatid na driver sa loob ng compound ng Senado sa Pasay City kamakalawa ng hapon.

Isinugod sa Ospital ng Maynila ang biktimang nakilalang si Samuel Amadeo, 29, binata at naninirahan sa loob ng Phi­lippine Senate Compound. Nagtamo ito ng isang saksak sa tagiliran ng katawan at sugat sa ulo.

Nadakip naman ang isa sa mga suspek na si Christopher Macinas, driver, at tubong Kabankalan, Negros Occidental ha­bang nakatakas ang kapatid nitong si Edito Macinas, 32.

Sa ulat ng Pasay City Police-Station Investigation and Detective Management Section, naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng hapon sa loob ng Phil. Senate compound sa may Macapagal Avenue, ng naturang lungsod.

Sa salaysay ni Amadeo sa mga imbestigador, nanganga­ lakal siya ng bakal sa dumpsite sa loob ng compound nang lapitan siya ng magkapatid na Macinas at umpisahang pagtulungang gulpihin. Hinampas umano siya sa ulo ni Chris­topher gamit ang isang tubo habang sinaksak siya ng kapa­tid nitong si Edito.

Sinaklolohan naman ang biktima ng mga kasamahan nito kung saan nasukol si Christopher ngunit nagawang maka­ takas ni Edito. Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima kaya agad itong nalapatan ng lunas.

Show comments