3 pang parak, sinibak

MANILA, Philippines - Tatlo pang pulis ang sinibak sa serbisyo ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Leonardo Espina dahil sa mga kasong kriminal at administratibo na kinakaharap ng mga ito.

Nakilala ang mga tinanggal sa serbisyo na sina PO1 Jason Tiamson at PO1 Tristan Mariz Gutierez, kapwa nahaharap sa kasong robbery extortion at PO1 Ablason Gabriente, nahaharap sa kasong “infide­lity in the custody of prisoner”.

Ayon sa NCRPO, inireklamo sina  Tiamson at Gutierez ng Koreanong si Kim Byung Woo noong Hulyo 19, 2012 nang pasukin umano ng mga ito ang kanyang bahay at hanapan siya ng “business/license permit” sa kanyang negosyo.  Nang walang maipakita, hiningan umano siya ng mga pulis ng P20,000.

Tanging P6,000 lamang ang naibigay ni Woo kaya pinuwersa umano siya ng mga pulis na mag-withdraw sa kanyang ATM account ng karagdagang pera. Bukod sa salapi, tinangay pa umano ng mga pulis ang kanyang Olympus camera at Rayban sunglasses.

Nabatid naman na nakatalagang security detail si PO1 Gabriente kay Jenny Lazaro na nahaharap sa kasong qualified theft nang makatakas ito noong Abril 26, 2009.

Samantala, pinatawan ng demosyon si SPO2 Leonilo Magallanes habang anim pang pulis ang sinuspinde. Kabilang sa mga ito sina SPO2 Rolando Cartalla, PO3 Sancho Dischoson, PO1 Ryan King Gon­zales, PO2 Edgardo Taguiam, PO1 Alejo Donguya, at PO2 Amado Pangilinan.

Dahil naman sa kawalan ng mga ebidensya, inab­swelto sa kasong murder sina PO1 Marcelo Reyes, PO1 Allan Banitillo at PO2 Michael Ponce.  Kasama rin sa naabswelto sa reklamo laban sa kanila sina SPO2 Rommel Bautista, PO3 Juanito Terencio Jr., at PO2 Mamelito Abella.

Show comments