2 pinagbabaril sa QC, patay

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang isa pa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki habang ang mga una ay nagmemiryenda sa harap ng isang burger stand sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Si Rolando Talento, 51, market master ay nagtamo ng isang tama ng bala sa batok na naglagos sa kanyang mukha ay binawian ng buhay sa Malvar hospital habang si Joel Tabor, 27, fish vendor naman ay nasawi sa  East Avenue Medical Center dulot ng tama ng bala sa kanyang puwet.

Ang sugatan ay kinilalang si Arnel Celestino, 27, market security ay ginagamot naman ngayon sa New Era hospital bunga ng isang tama ng bala sa pisngi.

Ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga ng  Quezon City Police District, dalawang armadong suspect na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket at maong pants at ang isa ay naka-t-shirt na kulay gray at short pants ang mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.

Lumilitaw sa imbestigas­yon na nangyari ang insidente sa may harap ng Nitang’s burger stand na matatagpuan sa loob ng Commonwealth market sa lungsod, ganap na alas- 7:50 ng gabi.

Bago ang insidente, kasa­lukuyang nagmimiryenda ang dalawa sa nasabing burger stand nang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran ang mga suspect at paulanan sila nito ng bala.

Matapos ang pamamaril naglakad papatakas ang mga suspect patungong Riverside St., habang ang mga biktima naman ay naabutan pa ng mga rumispondeng mobile patrol unit at itinakbo sa malapit na ospital subalit dalawa sa mga ito ang nasawi.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) narekober sa lugar ang tatlong basyo at isang bala ng kalibre 45 baril na ginamit sa nasabing krimen.  Inaalam pa ng CIDU ang motibo ng naturang insidente.

 

Show comments