Disiplina paiiralin ng metered parking

MANILA, Philippines - Naniniwala si Manila Traffic and Parking Bureau chief Nancy Villanueva na mas magkakaroon ng disiplina ang mga magpa-park ng kanilang sasakyan sa pagpapatupad ng  metered parking sa lungsod ng  Maynila.

Ayon kay Villanueva, wa­lang palakasan na mangyayari dahil ang lahat ng  nais na pumarada sa  isang lugar ay kailangan na magbayad ng P20.

Hindi na rin puwede ang double parking at pagbalagbag ng sasakyan.

Noong Biyernes ay  ipinatupad na ang metered parking kung saan sini­mulan ito sa Escolta at  Ongpin na nasasakupan ng ikatlong distrito ng  lungsod.

Ito’y matapos na maki­pagkasundo si Manila Ma­yor Alfredo Lim sa Manila Parking Management (Mapma) kung saan nilagay ang 340 parking meters On Street Parking project  sa Binondo.

Giit ni Lim, paraan ito upang maibsan ang  trapik sa lugar kung saan nagkakaroon ng double parking na nagreresulta naman sa pagkakabuhul-buhol ng trapiko.

Tiniyak din ni Villanueva na hindi mawawalan ng trabaho ang mga parking attendant na nakatalaga dito dahil  nasa  kanila pa rin ang enforcement.

Show comments