Taxi, kita ng driver tinangay ng 2 armado

MANILA, Philippines - Dobleng kamalasan ang inabot ng isang taxi driver dahil bukod sa wala ng kinita sa pamamasada, tinangay pa ang kanyang pinapasada ng dalawang kalalakihang nangholdap sa kanya sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Si Romeo Almazar, 54, may-asawa, ng Diwata St., Lagro, Novaliches ay lulugo-lugong nagtungo sa himpilan ng Quezon City Police Station 12 upang humingi ng tulong para mabawi ang kanyang pinapasadang Toyota Avanza na may markang Ariba taxi at plakang UVB-405.

Tinukoy ng biktima na dalawang lalaki na nagkunwaring mga pasahero niya ang puwersahang kumuha sa kanyang taxi matapos na magpahatid sa isang lugar.

Sa imbestigasyon ni PO3 Alex Palmenco, ng PS 12, nangyari ang insidente sa may Giraffe St., Greenmeadows, Brgy. Ugong, ganap na alas 11:45 ng gabi.

Bago nito, ayon sa biktima, sumakay umano ang mga suspect sa may Quezon Ave., corner West Avenue ganap na alas 11: 15 ng gabi at nagpahatid sa White Plains.

Pagsapit umano sa may Brgy. Ugong sa nasabing lugar, biglang sinakal ang biktima ng isa sa mga suspect, saka tinutukan ng baril.

Mula dito, inagaw ng suspect ang manibela sa biktima, saka siya pinababa, at itinakas papalayo ang kanyang taxi. 

Ayon sa pulisya, ang kaso ay ipinasa na nila sa Anti-carnaping Unit sa Camp Karingal para sa malalimang pagsisiyasat.

Show comments