OFW 1 buwan nang nawawala

MANILA, Philippines - Isang Overseas Filipino Worker (OFW)  ang nawawala matapos itong dumating sa bansa noong Disyembre 5, 2012.

Kahapon ay humingi ng tulong sa pulisya at mga mamamahayag sa Pasay City si Rosie Cruz, 50, misis ng nawawalang si Cesar Cruz, 52 nang hindi ito dumating sa kanilang bahay noong pang Disyembre 5 ng nagdaang taon, na nagmula sa Riyad, Saudi Arabia.

Ayon kay Rosie, ng 70 Fabella St., Bgy. Plainview, Highway Hills, Mandalu­yong City, sa huling pag-uusap nila sa cellphone  nang nasa Saudi Arabia pa ang kanyang mister, masaya pa ito  nang ibalita sa kanya na muli siyang makakauwi noong Disyembre 5 upang magbakasyon at makapi­ling ang kanyang pamilya.

Pabalik-balik na aniya ang kanyang mister sa Saudi Arabia kung saan 15-taon na itong nagtatrabaho sa isang pagamutan sa naturang bansa.

Sinabi pa ng ginang na hindi talaga nagpapasundo sa airport ang kanyang mister dahil ayaw na nitong maabala pa ang miyembro ng kanyang pamilya kaya’t hinihintay na lamang nila ang pag-uwi nito sa kanilang bahay.

Gayunman, nang hindi nakauwi sa inaasahan nilang petsa ang kanilang padre-de pamilya, nag-alala na ang ginang lalu na nang maberipika nito  na kasamang dumating ang kanyang mister sa mga pasaherong galing ng Riyadh sa NAIA Terminal 1 noong Disyembre 5.

Ayon sa ginang,  ilang ulit na rin nilang tinatawagan sa cellphone ang kanyang mister,  subalit hindi na nila  ito makontak dahil naka-off na ang mobile phone nito.

 

Show comments