Re-routing kasado na: 3,000 parak, ikakalat sa pista ng Itim na Nazareno

MANILA, Philippines - Aabot sa 3,000 mga pu­lis habang mahigit sa isang libong tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ikakalat sa paligid ng simbahan ng Quiapo at sa mga daraanan ng Itim na Nazareno para magmantina sa seguridad at daloy ng trapiko  sa darating  na Miyerkules, Enero 9 ng taong kasalukuyan.

Sinabi ng pamunuan ng MMDA na nasa 1,100  MMDA personnel ang kanilang ita­talaga sa Lunes sa mga lugar na daraanan ng prusisyon bilang maagang paghahanda sa pista ng Itim na Nazareno.

Nabatid, na maglalagay din ang ahensiya ng mga am­bulansiya at mga road emergency vehicles, traffic mobile patrol cars, tugboats, AGILA surveillance, at communication units.

Maliban sa Traffic Dis­ci­pline Office (TDO), naka­alerto rin at nakakalat sa May­nila ang Task Force Ka­lasag, Road Emergency Group, Pub­lic Safety Division, Par­king Discipline Group, at mga towing unit.

Kaagad na magkakaroon ng paglilinis sa mga dadaanan ng prusisyon ang mga tauhan ng Metro Parkway Clearing Group (MPCG).

Ayon pa sa MMDA, mag­lalagay din sila ng ilang portalets sa mga daraanan ng prusisyon upang makatulong sa mga deboto.

Batay sa pinag-aralang traffic rerouting, nabatid na  lahat ng sasakyan na manggagaling sa Quezon City na dumaraan sa España ay pinapayuhang ku­manan sa P. Campa, ka­kaliwa sa Anda­lucia, kanan sa Fugoso, kaliwa sa T. Mapua hanggang sa patutunguhang des­ti­nasyon.

Para naman sa manggagaling sa hilagang bahagi ng Maynila na tatahak sa southbound ng Bonifacio Drive ay maaaring kumanan sa Roberto Oca, kaliwa sa Delgado, kaliwa sa 25th Street, kaliwa sa Bonifacio Drive para sa mga tutungo sa Port Area, o kaya’y kumanan sa Soriano hanggang Magallanes Drive, kanan sa P. Burgos, hanggang dumi­retso sa Lagusnilad hanggang Taft Avenue.

Para naman sa mga mag­ mumula sa Taft patu­ngong Quezon City ay dapat na kumanan sa UN Avenue hanggang Otis, kaliwa sa Nagtahan, diretso sa A.H. Lacson, ka­kanan sa España hanggang sa destinasyon.

Mula sa Quirino Grandstand, kakanan ang prusis­yon sa Katigbak Drive palabas ng P. Burgos, ka­kaliwa sa Taft Avenue patungo sa McArthur Bridge, kakanan sa Arlegui, kanan sa Fraternal palabas ng Vergara, kaliwa sa Duque de Alba, kaliwa sa Castillejos, kaliwa sa Farneclo, kanan sa Arlegui, kaliwa sa Nepomuceno, kaliwa sa Aguila, kaliwa sa Carcer, kanan sa Hidalgo patungo sa Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo hanggang Puyat.

Mula sa Puyat, kakaliwa naman sa Guzman, ka­­kanan sa Hidalgo, kaliwa sa Barbosa, kanan sa Globo De Oro hanggang makara­ting muli sa Quezon Bridge. Sunod ay kakanan sa Pa­lanca, kanan sa Villalobos at de­deretso sa Plaza Miranda papasok sa  Quiapo Church.

Alinsunod sa tala ng sim­bahan, ala-1:00 pa lamang ng hapon ng Enero 8, sisimulan na ang tradisyunal na ‘pahalik’ sa poon ng Black Nazarene at ganap na alas-3:30 ng hapon, susundan ito ng parada.

Isang misa at healing service naman ang gaganapin alas-5:00 ng hapon na susundan ng isang vigil dakong alas-7:00 ng gabi.

Sa Enero 9, pangu­ngu­nahan ni Manila Arch­bishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa ban­dang alas-6:00 ng umaga habang susundan ito ng prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno na manggagaling ng Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo Church.

 

Show comments