20 lumabag sa Helmet Act, timbog ng LTO

MANILA, Philippines - Umaabot sa dalawampung katao ang nahuli sa Quezon City ng mga elemento ng Land Transportation Office (LTO) sa unang araw ng  implementasyon ng Motorcycle Helmet Act kahapon.

Ang mga nasakote ay mga bikers sa Commonwealth Avenue­, Philcoa at Quezon Memorial Circle ay pawang  walang suot na helmet, hindi rehistrado ang motor at  ang iba  naman ay bagamat may suot na helmet ay wala namang  sticker  na  import commodity clearance mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Isa sa nahuling pasaway sa naturang batas ang isang local enforcer ng QC hall  Department of Public Order and Safety (DPOS) na nakahelmet nga pero walang ICC sticker at hindi pa nakarehistro ang motor nito.

Pormal nang naipatupad kahapon ang Republic Act 10054 o ang Motorcycle Helmet Act na nag- uutos sa mga bikers na magsuot ng half-faced helmet na may clear visor o isang full-faced helmet na may clear visor para matiyak ang kaligtasan nito habang nasa lansangan.

Kapag lumabag sa batas na ito, magmumulta ito ng P1,500 sa first offense, P3,000 sa 2nd offense at P5,000 sa 3rd offense at multang P10,000 at  pagkumpiska sa drivers license sa 4th offense.

 

Show comments