Ama itinumba sa lamay ng anak

MANILA, Philippines - Patay ang isang 50-anyos na ama sa mismong burol ng kanyang anak nang mapuruhan sa pamamaril ng hindi pa kilalang gunman sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Froilan Magallanes, residente ng Block 1 Aplaya St., Baseco Compound sa Port Area sanhi ng tama ng bala sa likod at kanang braso.

Bukod pa kay Magallanes, sugatan din sina Rosario Rosin, 38; Dolores Socon, 64; Leonora Briones, 42; at Nobelito Briones, 45, pawang residente sa Aplaya St. sa Baseco Compound, na noo’y nasa lamayan.

Sa report  ni SPO2  Glenzor Antonio Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa lamay ng kanyang stepson na si Junior Felix Villanueva.

Sa pahayag sa imbestigador ni Teresita Villanueva, 47, live-in partner ni Magallanes, nakikipaglaro ng tong-its ang biktima kina Rosin at Socon nang dumating ang hindi nakilalang lalaki  na armado ng kalibre 45 na baril at pinaulanan sila ng bala.

Wala pang pagkikilanlan sa tumakas na salarin at hindi pa tukoy ang motibo, bagamat naniniwala ang imbes­tigador na pakay lamang patayin si Magallanes at nadamay lamang ang apat.

 

Show comments