Seguridad sa pista ng Nazareno, kasado na
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang ipatutupad na seguridad ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila sa darating na Enero 9.
Sinabi ni NCRPO Director Leonardo Espina na tinatayang nasa 3,000 pulis buhat sa Regional Safety Battalion at Manila Police District (MPD) ang ikakalat sa iba’t ibang lugar sa Quiapo at Sta. Cruz, Maynila na daraanan ng prusisyon.
Patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod ng Maynila para sa angkop na seguridad at iba pang paghahanda sa pagnanais na walang masaktan sa taunang pagdagsa ng milyong mga deboto ng Itim na Nazareno.
Umapela naman ngayon ang NCRPO sa mga deboto na huwag nang magbitbit ng bata upang maiwasan na mawala o kaya naman ay masaktan ang mga ito at magdala ng mahahalagang gamit para hindi mabiktima ng mga mandurukot na taunan ding nananamantala sa okasyon.
Matatandaan na nasa 700 katao ang nasaktan sa Piyesta ng Quiapo noong nakaraang taon kung saan tumagal ang prusisyon ng higit sa 22 oras makaraang bumigay ang gulong ng karosa ng Poong Nazareno.
Tinanggalan din ng signal ng mga service providers ang naturang lugar ng Maynila dahil sa banta ng pagpapasabog na natanggap ng pulisya na gagamitan umano ng cellular phone bilang “triggering device” kaya naging napakahirap ng komunikasyon.
- Latest