Mister na ‘tinangayan’ ng misis, nagreklamo

MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa pulisya ang isang mister na tina­ngayan umano ng misis at hindi umano pinakakawalan ng isang lalaki sa banta na papatayin ang kanyang pamilya kung babalikan ang mga ito.

Batay sa reklamong inihain ni Rico Bernardo, 42, ng Pandacan, Maynila kay SPO1 John Cayetano ng Manila Police District-General Assignment Section, tinangay ang  misis niyang si Marilyn Bernardo,38 ng isang “Joseph Delmonte”.

Sinabi pa sa reklamo, dakong alas-2:30 ng hapon noong Disyembre 27 nang umalis si Marilyn kasama ang isang Lilian Lugo at hindi na  umuwi ng bahay.

Isang kaibigan ni Rico ang nakapagsabi na itinanan umano ni  Delmonte, na kapatid ni Lugo ang kanyang misis at hindi umano ito pinapayagang umalis para balikan ang pamilya. May banta pa umano si Delmonte na uubusing patayin ang kaniyang  pamilya kung siya ay iiwan ni Marilyn.

Show comments