MANILA, Philippines - Tuluyan nang binawian ng buhay ang pitong taong gulang na batang si Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng ligaw na bala sa ulo sa lungsod ng Caloocan noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon kay Aquilino Ella, lolo ng bata, dapat na pagbayaran ng taong sangkot ng pagkamatay ng kanyang apo, sabay sabing “uusigin ka ng konsensya mo.”
Ayon kay Jay Ella, tatay ng biktima, masuwerte sila sa kanilang anak na si Stephanie dahil naiintindihan nito ang kalagayan ng kanilang buhay. Sa edad anya na pitong taong gulang, nauunawaan na umano nito kung papaano pahalagahan ang pera dahil batid anya nito kung paano hihingi sa kanila.
“Madali siyang makaunawa, pag humingi siya at walang maibigay hindi na nagpupumilit, hindi siya materyalistik,” paglalahad ni Jay.
Noong nakaraang Pasko, sabi ni Jay, wala umanong hiniling na anumang regalo ang bata sa kanila, sa halip ay nagsalu-salo na lang sila sa kaunting pagkaing kanilang inihanda.
Bukod dito, nauna nang binanggit ni Jay na isang masayahing bata rin umano si Stephanie at palaging sinasabi na gusto niyang yumaman para makatulong sa pamilya.
“Malikot din, makulit, pero isa siyang masayahing bata. ’Pag sinuway mo titigil na. Mahilig siyang mag-aral, mahilig magbasa, mag-drawing,” sabi ni Jay.
Nang mangyari ang insidente, nasa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon at nanood ng fireworks display ang pamilya Ella sa labas ng kanilang bahay nang biglang bumulagta ang bata. Unang inakala niyang napatid o nadulas lang ito, pero nang buhatin ay nakita nilang umaagos ang dugo sa ulo nito.
Agad nilang itinakbo ang bata sa EAMC kung saan nalaman na tinamaan ang una ng ligaw na bala sa ulo at doon nagsimulang makipaglaban ito para mabuhay.
Marami ang nakisimpatiya sa pamilya Ella at humiling ng dasal para mabuhay ang bata. Bumuhos din ang tulong sa mga nagmamalasakit na mamamayan para sa mga ito.
Sa nakalipas na isang araw, tanging respirator na lamang ang nagpapagana sa bata kung kaya ito nanatiling nakikipaglaban sa kamatayan.
Pero kahapon ng hapon, ganap na alas-2:26, tuluyan na itong binawian ng buhay.
Umaasa ang pamilya na mabibigyan ng hustisya ang bata sa tulong ng mga awtoridad.
Ayon kay Dr. Emmanuel Bueno ng East Avenue Medical Center, alas-2:26 ng hapon nang sumakabilang buhay ang bata matapos ang walong cardiac arrest.
Sabi ni Bueno, hindi na anya nakayanan ng katawan ng bata ang ika-walong cardiac arrest kung kaya nagdesisyon na ang mga magulang nito na itigil na. Bumuhos naman ang emosyon sa pamilya ni Nicole sa pangyayari at iginigiit ang hustisya para sa kanilang anak.