MANILA, Philippines - Kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon, dalawang sunog ang naitala ng Bureau of Fire Protection sa magkahiwalay na lugar sa Manila kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat ni SFO2 Marchson Guttierez ng Manila Fire Department, dakong alas-12:39 ng madaling-araw, unang naiulat ang sunog sa Amado V. Hernandez Elementary School sa Herbosa St. sa Tondo, Maynila.
Halos magkasabay nang tupukin ng apoy ang mga bahay sa Nepomuceno St., Tondo kung saan nagsimula ang sunog dakong alas-12:27 ng madaling-araw at idineklarang fireout dakong alas-12:55 ng madaling-araw.
Sinasabing paputok na pumasok sa loob ng bakuran ng paaralan ang sanhi ng sunog, gayundin sa nasunog na residential house.
Wala namang nasawi at nasugatan sa naganap na sunog habang patuloy naman ang imbestigasyon.