MANILA, Philippines - Nasabat ng grupo ng National Meat Inspection Service (NMIS) ng Manila City Hall ang nasa 800 kilo ng mga botcha at bulok na karne na ibebenta sana sa Divisoria, Maynila.
Bandang ala 1:00 ng madaling-araw kahapon nang isagawa ang sorpresang inspeksiyon kung saan natukoy nila ang may 500 kilo ng bulok na imported na karne at 300 kilong botcha o double dead meat sa kanto ng Juan Luna Street at Claro M. Recto Avenue sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Dr. Joey Diaz ng NMIS, kung hindi nila nasabat ang pinaghalong imported at lokal na mga karne ay posibleng maibenta ito sa publiko para sa media noche.
Modus-operandi umano ng mga tindahan ng karne na ihalo ang mga double-dead sa sariwang karne upang hindi mahalata at lumaki ang kanilang kita.
Kasabay nito, pinag-iingat ni Diaz ang publiko na dadagsa sa palengke ngayong kasagsagan ng pamimili ng lulutuin para sa pagsalubong sa Bagong Taon na huwag patulan ang mumurahing karne kung hindi nakatitiyak sa kalidad nito dahil maaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Suriin muna kung mapulang-mapula pa at walang masangsang na amoy ang bibilhing karne, dahil may ilang tindera na naglalagay ng artipisyal na kulay upang maitago ang pamumutla ng mga double dead at bulok nang karne, na kung hahawakan ay madulas o malagkit sa kamay.