MANILA, Philippines - Dahil sa matinding selos nagawang patayin sa saksak ng isang lalaki ang karibal nito sa pag-ibig kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Manny Bona, na nagtamo ng dalawang saksak sa dibdib buhat sa isang patalim.
Nakakulong naman sa Las Piñas City Police detention cell ang suspect na si Victor Occenia, nasa hustong gulang, taga-Jerusalem, panulukan ng Judge Streets, BF Martin Ville, Bgy. Manuyo 2 ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Sr. Supt. Romulo Sapitula, hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:05 ng gabi sa panulukan ng Jerusalem at Judge St., ng nabanggit na lugar.
Nag-iinuman habang nagkukuwentuhan ang biktima at suspect nang mapunta ang usapan sa iisang babae na napupusuan.
Dito ay nakaramdam ng pagseselos ang suspect hanggang sa nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at walang sabi-sabing inundayan ng dalawang saksak ang biktima na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.
Nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang nabanggit na suspect.