Holdaper todas, 1 nakatakas

MANILA, Philippines - Patay ang isa sa dalawang lalaking diumano’y nangholdap sa isang pasahero ng kuliglig, nang gantihan ng putok ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District-Station 2, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing suspect na si Roger Rabina, 32, barker, residente ng Area B, Gate 14 Parola Compound, Tondo, Maynila habang naka­takas naman­ ang di pa kilalang kasamahan na itinuturo ring responsable sa panghoholdap.

Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo, ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng gabi, sa panulukan ng C.M. Recto at J. Abad Santos Ave., sa Tondo.

Bago ang insidente, isang Mark Pantaleon, 28, binata, collector at residente ng Batasan Hills, Quezon­ City ang humingi ng saklolo sa nagpa­patrulyang grupo ng  MPD-Station 2 Anti-Crime Unit na kina­bibilangan nina PO3 Nelson delos Reyes, PO3 Enrico­ Tendero, PO3 Clyde Villareal at PO2 Laurence Ignacio, matapos umanong holdapin ng armadong­ mga suspect habang sakay ng kuliglig, kung saan natangay ang kanyang itim na shoulder bag na naglalaman ng P2,000 cash at maha­­halagang gamit.

Itinuro niya ang tumatakas na mga suspect at nang habulin ay pinutukan ng suspect na si Rabina ang mga humahabol na pulis kaya ginantihan siya ng mga putok hanggang sa bumulagta subalit nagawang makatakbo ng kasamahan.

Positibong kinilala naman ni Pantaleon ang suspect na nanutok sa kanya ng baril nang tangayin ang kanyang bag.

Narekober mula sa suspect ang bag ng biktima at baril ng suspect na isang .38 kalibreng snub nose, tatlong basyo at dalawa pang live ammunition.

Sa impormasyon ng mga pulis, ang nasawi ay suspect din sa panghoholdap sa isang Shih Ching Tang, na nagtamo pa ng sugat nang barilin noong nakalipas na Disyembre 15 sa nasabi ring lugar.

 

Show comments