MANILA, Philippines - Nakataas ngayon ang alerto ng Light Rail Transit Authority (LRTA) habang papalapit ang ika-12 anibersaryo ng Rizal Day Bombing na naganap noong Disyembre 2000.
Una nang inihayag ni LRTA spokesman Hernando Cabrera ang pagpapatupad ng patuloy na ‘no inspection, no ride policy’ lalo na sa mga nakabalot na regalo kahit tapos na ang Pasko.
Ito’y upang maiwasan na makapasok ang iba’t ibang uri ng mapanganib na armas lalo na ang mga parte ng bomba upang hindi na maulit ang trahedya.
Matatandaan na aabot sa 22 katao ang nasawi nang pasabugin ng mga hinihinalang miyembro ng Jemaah Islamiyah ang isang bagon ng LRT sa may Tayuman Station.
Parte ito ng sunud-sunod na pagpapasabog sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Katuwang ang ilang tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Special Action Force (SAF), mahigpit ngayon ang pagbabantay sa bawat istasyon ng LRT Line 1 at Line 2 habang naglagay na rin ng mga K9 units sa bawat entrada ng mga istasyon.