MANILA, Philippines - Lalong maghihigpit ngayon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga tinaguriang ‘sunog baga’ o manginginom sa kalsada ilang araw bago ang Bagong Taon.
Ito ay makaraang ulitin ni NCRPO Director Leonardo Espina ang direktiba sa lahat ng kanyang mga District Directors at Station Commanders na arestuhin ang lahat ng makikitang nag-iinuman sa kalsada sa patuloy na pagpapatrulya sa bawat barangay kasama ang mga tanod.
Sa rekord ng pulisya, marami sa mga away na nauuwi sa pambubugbog, at pagpatay ay nag-uugat sa inuman lalo na sa kalsada. Malala pa rito ay nadadamay ang mga inosenteng napapadaan lamang sa lugar ng inuman na puwersahang tinatagayan ng mga lasenggo.
Nais rin maiwasan ng NCRPO ang tumaas pa ang bilang ng mga napuputukan dahil sa kalimitan sa mga nalalasing ay lalong nagkakalakas ng loob na magsindi ng mga iligal na paputok na minsan ay nagpapasikat pa at hinahawakan ang mga ito.
Gagamitin ng NCRPO bilang armas sa pag-aresto sa mga lasenggo ang mga lokal na ordinansa sa mga lungsod na nagbabawal sa pag-inom sa pampublikong lugar at curfew sa mga kabataan.
Una nang inihayag ni Espina ang muling pagtatakip sa nguso ng mga baril ng mga pulis upang matiyak na hindi magpapaputok ang mga ito sa pagsalubong sa Bagong Taon.