MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi habang dalawa pang katao ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang mga motorsiklong kanilang sinasakyan, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Naisugod pa sa Ospital ng Makati ang 46-anyos na si Jeffrey Baring ngunit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas ng mga manggagamot. Isinugod din sa naturang pagamutan ang angkas nitong si Audrey Arbulos at nakabanggaan na si Gilberto Delosa.
Sa inisyal na ulat ng Makati Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa McKinley Road sa Brgy. Forbes sa naturang lungsod.
Lulan si Baring at ang angkas na si Arbulos ng motorsiklong may plakang (6439-NQ) nang makabanggaan ang motorsiklo (1572-NQ) na minamaneho ni Delosa. Pawang tumilapon ang tatlong biktima na sinasabing may mga suot naman umano na crash helmet.
Mabilis namang sinaklolohan ng mga kapwa motorista at mga tauhan ng barangay ang mga biktima at dinala sa pagamutan ngunit hindi pinalad na makaligtas si Baring dahil sa tindi ng tinamong pinsala.