MANILA, Philippines - Dalawang residente ang iniulat na nasugatan habang may 500 bahay ang natupok sa sunog na naganap sa San Juan City sa mismong araw ng Pasko, kahapon ng madaling-araw.
Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection sa San Juan, nabatid na ang sunog ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa Mahinhin St., hanggang sa Matimyas St., at Pinaglabanan sa lungsod.
Sa inisyal na report, sinasabing nagsimula ang sunog sa isang tahanan na walang tao at mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa mga magkakadikit na bahay.
Isang residente na nakilala lang sa pangalang Boy Pricio, 50, ang nasugatan sa insidente matapos umanong madulas at mabagok, habang napilayan naman ang isang Jomar Madrona nang mahulog mula sa bubungan.
Dakong alas-6:00 naman ng umaga nang ideklarang fire under control ang sunog at bandang alas-7:00 naman bago ito tuluyang idineklarang fire out.
Ang mga nawalan ng tahanan ay kasalukuyan nagsisiksikan sa barangay covered court sa lugar.
Kaagad naman silang dinalaw ni dating pangulong Joseph Estrada at ni San Juan City Mayor Guia Gomez.
Inaalam na ng arson investigators ang dahilan ng sunog na tinatayang P2.5 milyon na halaga ang natupok na ari-arian.