MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa mga natatanging pinakamatatandang residente ng lungsod, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng Makati ng tig-P100,000 aginaldo sa lahat ng nakatatandang may edad 100-anyos pataas.
Inaprubahan kamakailan ng pamahalaang lungsod ng Makati ang P2 milyong pondo para sa pagbibigay ng aginaldo sa mga “centenarian” na may Blu Card.
Sinabi ni Mayor Erwin Binay na ang “one-time cash benefit” sa mga centenarian ay bilang pagkilala nila sa mga nakatatanda sa kontribusyon nila sa paghubog sa kasaysayan at pag-unlad ng Makati sa loob ng higit 100 taon nilang pamamalagi.
Ayon kay Ryan Barcelo, Makati Social Welfare Development officer-in-charge, nasa 9 na residente ang inisyal nilang nabigyan ng naturang P100,000 cash gift buhat sa mga Brgys. Comembo, Guadalupe Viejo, Olympia, Dasmariñas, Forbes Park, Kasilawan, Bangkal, at San Lorenzo.
Sinabi naman ni Binay na nasa ilalim pa rin ng City Ordinance No. 2012-099 ang pagbibigay ng P100,000 cash gift sa mga Blu Card holders na may edad 100-pataas. Ibibigay naman ang cash gift sa mga residente na umabot ng edad 100 sa buong taong 2012 ngunit pumanaw na sa kanilang mga kaanak.