MANILA, Philippines - Nasawi ang magtiyuhin habang dalawa pa ang nasugatan nang mag-amok ang isang lalaking nakasuot ng bonnet at magpaputok ng baril sa bisperas ng Pasko sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na si Jayson Yago Esmer, 21, construction worker at tiyuhing si Esteban Calbario Esmer, 46, karpintero; habang sugatan naman sina Marilyn Esmer, 50, nanay ni Jayson, at kaanak na si Monica Reyes, 15.
Ayon kay PO2 Rhic Roldan Pittong, imbestigador sa kaso, ang nag-iisang suspect ay inilarawan na may kapayatan, nakasuot ng bonnet at jacket na kulay pink ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang pagpapaputok ng baril.
Nangyari ang insidente sa harap ng isang bahay sa Kasiyahan Street, kung saan ang pamilya Esmer at ilang kaanak ay nagno-Noche Buena pasado alas-12 ng hatinggabi.
Ilang sandali pa, biglang dumating ang suspect, saka nagbunot ng kanyang baril at pinagbabaril ang magtiyuhin, habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang dalawang babae.
Si Jayson ay naisugod sa Malvar General Hospital, pero hindi na umabot ng buhay, ganap na alas-2:15 ng madaling-araw, habang si Esteban ay idineklara namang dead-on-arrival sa may East Avenue Medical Center, ganap na alas-2:27 ng madaling-araw.
Sinabi ni Pittong, iniimbestigahan pa nila ang motibo ng nasabing pamamaril sa mga biktima. Narekober naman ng awtoridad sa lugar ang limang basyo ng bala ng 9mm at depormadong slug nito.