MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang ang mga nakalatag na panindang fireworks at firecrackers ang sanhi ng sunog sa isang commercial building kung saan nagdamay pa ng katabing dalawang gusali, sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na report ni C/Insp. Bonifacio Carta ng Manila Fire Bureau, Arson Investigation Division, dakong alas-12:33 ng madaling- araw kahapon nagsimula ang apoy sa Atlantic Glassware na isa sa umuokupa sa ground floor ng 3-storey building na pag-aari ng isang Lucio Co at matatagpuan sa panulukan ng M. de Santos at Tabora Sts., sa Binondo, Maynila, katapat lamang ng Divisoria Mall.
Umabot hanggang Task Force Charlie ang alarma ng sunog at bandang alas-10:09 naman nang ideklarang fire under control.
Tinatayang nasa P10-milyong halaga ang structural damage pa lamang, bukod pa sa mga panindang nasunog.
Ayon pa sa ulat, sa labas ng nasabing gusali o sa tapat maraming nakalatag na panindang mga paputok nagsimula ang sunog.
Nahirapan ding pumasok ang mga trak ng bumbero dahil sa dami ng mga nakahambalang na paninda papasok sa nasabing mga kalye.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at pag-apula sa apoy hanggang sa isinusulat ang balitang ito bagamat under control na.