MANILA, Philippines - Isang drug den sa Navotas City ang sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang ginawang buy-bust operation sa may-ari nito sa naturang lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. nakilala ang drug den owner na si Rolando Jose Vargas alyas Roger, 52 at residente ng A. Pascual St., Wawa, Bgy. Tangos, Navotas City.
Unang nadakip sa buy-bust operation si Vargas matapos makipagtransaksyon sa mga operatiba na nagkunwaring bibili ng iligal na droga, ganap na alas-4 ng hapon.
Ayon kay Cacdac, nang pasukin ang bahay ng suspect ay naaresto pa ang tatlong kalalakihang sina Jerome Frondoza, 28; Arthuro Fajardo, 42; at Catherine Ochoa, 33; habang tumitira ng shabu.
Magkatuwang ang PDEA Special Enforcement Service (SES) sa pamumuno ni Director Jeoffrey Tacio at Navotas PNP Station Anti-Illegal Drugs (SAID) Unit sa operasyon kung saan nakarekober ang mga ito ng kabuuang 11 sachets ng shabu, isang medium-sized plastic sachet na naglalaman ng maraming walang lamang sachets pero may bakas ng shabu, isang cigarette box na naglalaman ng 38 piraso ng rolyo ng aluminum foils, pitong aluminum foils na may mantsa ng white crystalline substance, at mga piraso ng drug paraphernalia.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) at Section 15 (Use of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Vargas; habang paglabag sa Section 7 (Visitors of a Drug Den) at Section 15 ng Republic Act ang isinampa naman laban kina Frondoza, Fajardo at Ochoa.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa Navotas City Police Detention habang hini hintay ang inquest proceedings.