MANILA, Philippines - Patay ang isang rider at sugatan naman ang angkas nito, makaraang mabundol ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang kotse sa kahabaan ng Kamuning Road, lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay PO2 Henry Luna ng Quezon City Police Traffic Sector 4, nakilala ang nasawi na si Melchor Casipi, 53, aircon technician, ng #43 Kabalitang St., Brgy. Krus na Ligas sa lungsod habang ginagamot naman sa East Avenue Medical Center si Rolando Nirza, 34, ng no. 61 J. Francisco St., Brgy. Krus, Q.C.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang may-ari ng kotseng Toyota RAV-4 (XMB-266) na si Ma. Teresa Villegas, 39 ng 253 Gen. Ordoñez St. Marikina Heights, Marikina City matapos ang insidente na naganap sa may panulukan ng Kamuning Road, at J. Erastain St., Kamuning Quezon City ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon ni Luna, sakay ng isang RAM MC (2499 PD) ang mga biktima galing mula sa direksyon ng Tomas Morato Ave., patawid sa J. Erastain St., patungo sa EDSA, habang ang RAV4 naman ay galing sa direksyon ng Sct. Ybardolaza St., patawid ng Kamuning patungo sa Kamuning Road, patungo ng K1st St., ng nasabing lungsod, nang mangyari ang insidente.
Sakay ng kani-kanilang sasakyan nang pagsapit sa may intersection sa nabanggit na lugar ay aksidenteng nabangga ng Toyota RAV4 ang motorsiklo ng mga biktima sanhi para tumilapon at bumuwal ang mga ito sa kalsada.
Sa tindi ng bagsak ay nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang katawan ang mga biktima at dinala agad sa naturang ospital para malapatan ng lunas.
Subalit ganap na alas- 5:25 ng madaling-araw ay nasawi din si Casipi.
Kasong reckless imprudence resulting in damage to property with physical injury and homicide ang kinakaharap ngayon ni Villegas.